Feature>>>
DXUP FM Radio Program-"Kahapon, Ngayon at Bukas"
(isa mga daang liham na tinanggap ng KNB-6:00-7:00 PM every Saturday)
Aug 12, 2005
Para sa iyo Ate Bai ,
Sa una ay paliit na ng paliit ang paninda ni inay, dahil lahat ng benta ni inay ay napuponta na lamang sa pang-araw-araw naming pangangailangan at dahil sa aming kahirapan na natatamasa ay napilitang akong huminto sa pag-aaral Ate Bai, at tumulong na lamang ako sa paghahanap buhay. Ang ginawa ko ay maaga pa ay pumupunta ako sa pantalan sa may Bacolod upang mamingwit ng isda at kong pinapalad na may mahuli, ay ibinibinta ko sa mga bahay bahay, at pag maliwanag na at dumating na ang mga mangingisda mula sa laot ako ay tumutulong maghakot ng isda, bagaman, mas malaki pa sa akin ang mga kahon ng isda na hinahakot namin, ako ay nagtitiis kahit mahirap at kong minsan gutom ang aking palaging kalaban, dahil di pa ako umaalmusal dahil wala pa akong bayad mula sa mga may ari ng isda, kong minsan pa nga ay isda ang bayad lang nila sa akin at ito naman ang nilalako sa mga bahay bahay sa may town site at kong minsan sa kampo ng mga Philippine constabulary, noon, sa may camp parang, sa may making. Kong tanghali na ay naghahanap ako ng nagpapaigib ng tubig dahil medyo may kahirapan ang supply ng tubig sa may poblacion, kariton ang ginagamit ko at pakonti-konti kong hinahakot sa mga bahay dahil di ko kaya ang isang latang tubig, ang ginagawa ko Ate Bai, may balde akong maliit na kayang kong hakotin at ito ang dahan dahan kong panghakot. Sa awa naman ng Allah nakakain kami ng tatlong beses, bagamat kong minsan ay kanin at reject na mga isda na lamang ang aming tanging ulam.
Ngunit may mas matindi pa pangyayari dumating sa aming buhay Ate Bai, dahil medyo mainit na ang mga bakbakan sa kabila kabila, may sa Landasan, Parang, sa may Matingen, sa may Orandang, sa may Barira at Teba kong minsan dito na sa may kampo uno, malapit na sa kampo ng mga Philippine Constabulary o PC, ay mainit na sa amin na mga Bangsamoro, ang mga Kristiyano na tinatawag nilang Ilaga, kaya natakot ang aming mga kamag anak at kami ay kanilang kinuha sa poblacion at doon nila kami pinatira sa aming mga kamag anak, sa Kidama, Parang Maguindanao. Ok naman dito ang ikinabubuhay namin. Sumasama ako sa pangingisda sa laot, por sento o hati hati kami ang sharing, at kong panahon ng panghuhuli ng bangus fry, dito kami medyo nagkakapera at kahit papaano ay nakakabili kami ng mga bagong damit, ngunit ang lahat ng ito'y may katapusan, di nagtagal ay inatak din ang Kidama, ng mga sundalong Pilipino, ang mga Mujiahideen na nakakampo malapit sa amin, at kami ang unang naapektohan Ate Bai, at syempre bakwet naman kami, kaya, doon na kami nagbakwet sa may Malabang Lanao del sur, dahil sa panahon na iyon ay tahimik ang lugar ng Malabang, walang gulo.
Doon na kami tumira sa tabing dagat , sa may bukana ng ilog Malabang, at pangingisda pa rin ang hanap buhay namin at akoy ganap ng binata at matipuno ang pangangatawan dahil sa pinanday ng hirap sa pagdaan ng mga panahon at dalaga na rin ang aking kapatid, samantala si inay ay mahina na rin ang katawan, at sa bahay na lamang siya, lumalagi. Muling dumating ang pagsubok ng Allah sa aming pamilya, taon 1986, ito yong taon na naglindol ng intensity 8 dito sa Mindanaw at sinundan ito ng tidal wave na ikinasawi ng mahigit sa dalawampung libo na mamayan ng Mindanaw, at dahil sa tabi kami ng dalampasigan ay isa kami sa naging biktima, at umabot sa mahigit sa dalawang libo ang nangasawi sa amin na magkakapitbahay sa may bukana ng ilog Malabang at sa kasamaang palad ay kabilang na dito ang aking mahina ng ina, na di niya nakayanan ang malakas na agos ng rumagasang alon mula sa ilalim ng dagat dahil nga sa mahina na ang kanyang payat na katawan. Ang aking kapatid na babae na si Soraida, ay nawawala at dalawang araw kong hinanap kahit bangkay man lamang niya tulad ng kay ina ngunit talagang wala kaming matagpuan. Dumaan ang isang linngo may balita akong tinanggap mula sa nagbibiyahe sa may Karomatan, Lanao del Norte at salamat siya'y nasagip pala ng mga mangigisda na taga Pagadian City, at siya ay inihatid pagkaraan ng isnag linggo, anong saya ko Ate Bai, at least may natitira pa sa king mga mahal sa buhay.
Sa aming mga gamit sa tahanan ay Wala ng natira sa min, lahat inanod na ng tubig ang aming mga kasangkapan at gamit sa bahay. Alam mo Kaka Bai? Sa lakas ng alon at agos ng tubig kahit na brief ko ay natanggal, oo Kaka Bai wala akong saplot sa magdamag na paghahanap sa aking mga mahal sa buhay, salamat at hatinggabi ng mangyari ang tidal wave, walang nakakakita sa aking hubad na katawan.Magbubukang liwayway na ay saka ko lamang napansin na wala pala akong saplot sa aking kahubaran,at akoy naghanap ng mga telang nagsabitan sa mga punong kahoy upang itakip sa aking mala Adan na katawan. Salamat sa Allah maraming kababayan ang mga tumulong sa amin at binuhay kaming pansamantala. Pagkatapos nito Kaka Bai, may kamag anak kaming bumisita sa amin upang alamin ang amin kalagayan, at kami ay niyayang umuwi ng Upi, Maguindanao, at dito nga kami tuluyang ng nanirahah sa Upi hanggang sa ngayon, at salamat sa Allah, sa ngayon ay may lupa na akong sarili na sinasaka at kami ay maligaya kasama ng aking pamilya at may tatlong anak.
Ang aking kapatid ay napangasawa ng taga Pagadian City, kamag anak ng nakasagip sa kanya noon at silay maligaya na rin kasama ang dalawang anak, dahil maganda ang kanilang naging negosyo na pagtitinda ng bulad na isda sa may pamilihang bayan ng Pagadian City.
Ate Bai, Ang tanging problema ko sa ngayon sa aking pamilya, ay kong papaano ko sila hihikayatin sa tamang landas ng Islam dahil ang kanilang nakakamulatan sa araw araw ay ang giyahil [ipinagbabawal ng Islam] na mga Gawain sa aming paligid, di naman kami makaalis dahil dito sa aming tinitirhan dahil dito ang aming tanging kabuhayan, na binigay ng Allah, ang pagsasaka. Sana may tumira malapit sa amin na Uztadz o alam niya ang Islam para naman kong minsan maturuan ang aking pamilya,ng tamang Gawain sa Islam upang kami ay maging tunay na ganap na Muslim o nanamplataya.
Hanggang dito na lamang Ate Bai, at ipag umanhin mo ang kahabaan ng aking liham kasaysayan, maraming salamat at Wassallam.
Gumagalang ang iyong kapatid sa pananampalataya
si Lomi ng Upi, Maguindanao
(Note:pagkatapos na basahin ang sulat ay nabibigay ng payo si Ate Bai at may text ding tinatanggap upang magbigay ng comments o payo, pagkatapos ay naghahandog ng angkop na awitin)
1 Comments:
Wala ng bang ibang sulat Ate Bai? pwede i publish din ninyo para may mabasa naman ako, kahit di ko naririnig ang station ninyo.
aasahan ko ang susunod na kabanata Ate Bai.
ur
Big Brother>>>>>>
Post a Comment
<< Home